MGA AMBAG

Hindi na Mapipigilan ni Jay Mars. Jacinto
Bisperas na ng Kalub'san ng Tagumpay (The Eve of Revelation) ni George Tumaob Calaor 
Hindi na Sapat ang Magsulat ni Ka Sinag Pula
Alyas ng mga Bayani ni Ka Julian Revuelta
Paalala sa Kasama ni Ka Mayan
Gobyerno ni Ka Julian Revuelta
Overseas (Ibayong Dagat) ni Ka Sinag Pula
Mabubuting Tao sa Paligid ni Ka Julian Revuelta
Di Matalo-talo ni Ka Julian Revuelta
Hanapin ang Kalayaan ni Ka Sinag Pula
Dito sa Kanluran ni Ka Sinag Pula
Mag-asawa Anonymous
Building Red Political Power (Pagbubuo ng Pulang Kapangyarihan) ni Ka Maya Daniel
Sa Kasamang Malambot ang Puso ni Ka Mayan




HINDI NA MAPIPIGILAN
ni Jay Mars. Jacinto

Ipu-ipo'y halos pumatay 
sa liyab ng sulo. 
Maraming nanlumo't bumitaw,
umiyak, kumampi sa kaaway. 
Mga panginoo'y nagalak 
at nakatingin sa mahabang piyesta. 
Ang berdugo na may kinakaladkad 
na tigre'y nagyabang: Ang rebelyon, 
simpleng problema ng kapulisan... 

Pero ang mga nalabi"y hindi 
bandido mag-isip....
Batid nila na sa pakikibaka, 
humihinga ang pag-asa 
para sa mundong payapa't 
mga pisnging walang luha. 
"Huwag tayong tumigil, huwag." 
Huwag. Sapagkat laging nananaig 
ang tamang katuwiran.
Tama ang pakikibaka,
komadrona ng malalayang bayan.

At namatay ang tigre sa madilim na kuweba 
at bumagsak ang siga na laging bida sa pelikula 
at nanghina rin ang reyna 
at hindi rin nakabulag ang dilaw.

At naging libu-libo ang mga lumiliyab na sulo... 

Dahil wasto. 

Ang rebolusyon. 












BISPERAS NA NG KALUB'SAN NG TAGUMPAY
(The Eve of Revelation)

ni George Tumaob Canlor
isinaayos ng istap ng TILAMSIK 


Sumisibol ang kalayaan...
Katulad ng mga bulaklak
Sa kagubatan,
Ikinakalat
ang kanilang halimuyak –
pinasisigla ang kapaligiran
Sa pagsalubong
Sa araw ng tagumpay,
Pinamukadkad ng pagsulong
Ng matagalang digmang bayang
Pinalilibutan ang kapatagan
Mula sa kanayunan.

Sa kagubatan…

damang-dama na
sa pangangaluskos
ng mga tuyong dahon
at nabaling mga siit
sa landas na markado
ng patuloy na pagkagapi
sa mga kaaway,
sa matatagumpay na opensiba
ng Bagong Hukbong Bayan
laban sa mga bayarang butangero
ng pasistang Estado,
mga makinang tagapaslang na pinaaandar
ng mga mapagsamantala at mapang-alipin
Subalit nanghihina at nauupos nang
Kolonyal na paghahari
ng mga imperyalistang panginoon!

Sumisibol ang kalayaan...

Tulad ng libo-libong walang-ngalang
anak ng rebolusyon,
namumukadkad sa hanay
ng mga iskwad, platun at batalyon,
mula sa pagsalubong ng kalangitan
at hanay ng mga kabundukan...
Sinasanib ang kanilang pwersa
Sa katapangan ng masa,
Upang asintahin ang huling unos
Para sa pagluwal
Ng lipunang walang uri...
Walang pag-iimbot na pinamumunuan
Ng mga malaya!

Masisilayan na
Sa milyon-milyong nagmamartsa
sa lindero ng mga kabundukang
kumakanlong sa mga yabag
na kumukubkob sa kanayunan
ng natitibag nang paghahari
ng mga pasistang gahamang
inaabanduna na rin
ng naduduwag nang
mga buwitreng namihasa
sa pagpapakatuta ng mga angkan
ng palasukong Heneral na si Aguinaldo’ng
nagpakanulo sa soberanya ng bansa
sa imperyalistang paghahari
ng mga dayuhan!

Bisperas na nga't
hindi na mapipigilan
ang kalub’san ng tagumpay
ng ating rebolusyon!
Uri’y mawawala!
Sa hudyat ng tunay
na paglaya!

The Eve of Revelation 

 
Freedom blossoms...
like flowers
in the wild,
diffusing
their fragrance —
uplifting the ambience
in welcoming
the day of triumph,
bloomed by the advances
of people’s protracted war
encircling the plains
from the countryside.

In the woods...

It is felt
In the rustling
Of the weathered leaves
and fallen twigs
on the paths marked
by the number of deaths
of the defeated enemies
on the grounds
of the victorious offensives
waged by the New People’s Army
against the bribe-employed goons
of the fascist State,
fueled as local killing machines
of the oppressive and enslaving
but, weakening and dying
colonial rule of the imperial lords!

Freedom blossoms...

Like the thousands of nameless
sons and daughters of revolution,
bloomed into the squads, platoons
and battalions of their ranks,
from the applauds of the skylines
and ranges of mountains...
merging their forces
with the bravery of the masses,
of the makers of history,
to aim at the final storm
for the birth
of a classless society...
governed by the selfless rule
of the free!

It is evident
In the millions marching
along the boundaries
of the mountains
that have sheltered the footsteps
surrounding the countryside
of the weakening rule
of the greedy fascists
who are being abandoned
by the cowardly vultures
feeding on the puppetry
of the descendants
of the acquiescent General Aguinaldo
who sold the nation’s sovereignty
to foreign imperialist rule!

The eve has come
And nothing can hinder
The revelation of the victory
Of our revolution!
Class will be abolished!
On the onset
Of genuine freedom!



 

HINDI NA SAPAT ANG MAGSULAT


ni Ka Sinag Pula

Nauubusan na ng mga salita,
lukot-lukot na ang mga papel na hawak.
Ubos na rin ang mga kataga,
Huminto na rin ang tinta ng panulat.

Sa paghaba ng bilang ng mga inalipusta,
umiiksi ang palugit na binigay ng mga pasista.
Dumarami ang bilang ng para sa kanila'y kalaban,
kaya’t dumarami ang sa kanila'y lalaban.

Hindi na sapat ang magsulat.
Hindi na sapat ang mga isinulat.
Kinakailangan na ng ibang paraan ng pakikipaglaban --
kinakailangan nang lumahok sa digmang bayan!

Hindi na sapat lang ang magsulat.
Kung hindi na sila tinatamaan ng bala mula sa pluma --
humawak na ng armas, magsulat sa kanilang katawan!
Sumapi na sa Bagong Hukbong Bayan!






ALYAS NG MGA BAYANI


ni Ka Julian Revuelta
Hunyo 2014


Alyas ng mga bayani
sa pakikibaka’t kamatayan
ay palayaw na nagkukubli
sa dating pagkakakilanlan,
hakbang sa sekyuriti
ng mga kasama sa kilusan,
lagdang may pagbati
sa tagumpay ng larangan.

Alyas ng mga bayani
sa pakikibaka’t kamatayan
ay bansag na pagtatangi
sa buhay na ‘di karaniwan.
Alyas ng mga bayani
sa pakikibaka’t kamatayan
ay mapagpalayang taguri
sa naglilingkod sa sambayanan!






PAALALA SA KASAMA
ni Ka Mayan

Madami tayo,
At lalo pang dumadami.
Malakas tayo,
At lalo pang lumalakas.
Palawak nang palawak ang ating hanay,
Palalim nang palalim ang ating base.
May mga naaabot na tayo
Na hindi natin nakamit sa nakaraan.
Bumabago na ang ihip ng hangin,
Tila lalong pumupula ang silangan.

Ngunit…
Maging mapagkumbaba.

Hindi pa natin naaabot ang tagumpay.
Malayo pa.
Mas malakas pa rin ang kaaway.
Mas marami pa rin ang inaapi,
Mas marami pang pinagsasamantalahan.
Huwag kalimutan ang nakaraan…
Marami na tayong mga sugat
Mula sa mga pagkadapa.
Maraming bagay na hindi natin hawak,
Bagamat kaya nating harapin.
Tandaan:
Ang kaaway, kapag nagigipit,
Ay lalong nagiging mabangis.

Kaya ngayon, mas higit nating kailangan
Ang panibagong lakas, panibagong dugo.
Huwag kaligtaan
kung sino ang tunay na kalaban.
Kung sa kaaway nga,
Mayroong napapaliwanagan,
Ano pa sa kauring kaibigan?
Pakinggan, alalayan, kumbinsihin, kabigin,
Kailangan natin sila,
At kailangan nila tayo.
Makinig:
Ang rebolusyon ay hindi maipagtatagumpay
Ng mga nagmamataas at lutang na sa lupa.


"Ang pagbubuo ng nagkakaisang prente ay nakabatay sa uri at pagsusuri sa uri. Tanging sa paglalagay sa matibay na batayan sa uri mabubuo ang matibay na nagkakaisang prente dahil matutukoy sa syentipikong paraan kung sinu-sino ang kaibigan ng rebolusyon at sinu-sino ang kaaway ng rebolusyon; at sa hanay ng mga kaibigan ng rebolusyon, sino ang maaasahan at di maaasahan, sino ang pansamantalang kaibigan, sino ang kaibigan sa ngayon pero kaaway sa kinabukasan.

Bagamat ang tunggalian ng mga uri ay nakikita sa mga tunguhing pampulitika, sa mga partidong pampulitika, atbp., mismong ang pag-unawa sa mga tunguhin at katangian ng mga partidong ito ay magagawa lamang sa pagsusuri sa makauring katangian ng mga tunguhin at partidong pampulitikang ito.

Ginagamit natin ang proletaryong paninindigan bilang pamantayan sa pagsusuri sa uri. Nagsasagawa tayo ng kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan at interes ng iba't ibang uri upang malaman ang paninindigan nito sa rebolusyon."

- mula sa "Pambansang Nagkakaisang Prente - Intermedyang Kurso ng Partido"




GOBYERNO
ni Ka Julian Revuelta
Disyembre 2014


May dalawang gobyerno sa ‘ting bayan—
isang reaksyunaryo at isang rebolusyonaryo;
dalawang magkasalungat na kapangyarihan:
batas, hukuman, militar, programa, teritoryo.

Ang nakaluklok na reaksyunaryo’y kabilang
sa burukratang lasing sa yamang ninakaw;
ang rebolusyonaryo’y nakabase sa kanayunang
naghahanda sa paniningil pagdating ng araw.

Sa reaksyunaryong estado, ang naghahari’y
malalaking komprador, asendero’t kapitalista.
Ang rebolusyonaryong gobyerno’y nagsisilbi
sa masang anakpawis at lahat ng maralita.

Bansang sadlak sa hirap ay hindi makaahon
sa pekeng demokrasya’t kalayaang hungkag.
Sa tumitinding krisis, paborable ang sitwasyon
upang puksain ang imperyalistang kamandag.

Kung ang reaksyunaryo’y pahina nang pahina,
ang rebolusyonaryo’y palakas nang palakas;
ang una’y pamawing-amoy sa bulok na sistema,
ang ikalawa’y susi sa makatarungang bukas!

Marahas ang tunggalian ng dalawang panig
kaya humugis at umabot sa antas ng gera sibil.
Ang luma’y babagsak at ang bago’y mananaig
hanggang ganap na magapi ng baril ang baril!


“Ang kapangyarihang pampulitika ay nagmumula sa dulo ng baril.” ~ Mao Zedong


“…Isinusulong ng New People’s Army ang armadong pakikibaka sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan upang wasakin ang pundasyon ng reaksyunaryong paghahari ng malalaking asendero-kumprador, burukratang kapitalista at imperyalismong US sa Pilipinas at itatag ang rebolusyonaryong kapangyarihang pampulitika sa buong kapuluan. Naglulunsad ito ng pakikidigmang gerilya upang pahinain at durugin ang mersenaryong armadong pwersa ng mga naghaharing uri—ang AFP at PNP—na mga haligi sa pagpapatupad ng marahas na paghahari at panunupil laban sa mamamayan…”


– Mula sa "Pandayin ang Isang Hindi Magagaping Hukbong Bayan at Sumulong sa Tagumpay"
(CPP Southern Tagalog Regional Committee, March 29, 2014)




OVERSEAS
ni Ka Sinag Pula

Cloud formations are different from where
We grew up
The trees don't bear mangoes
Nor bananas.
Instead these tongues are tasting peaches
And oranges.
When the wind blows, it's not the
Familiar, welcoming warmth that kisses our skin
Instead, it feels like shark jaws
Slowly tearing our flesh.
There are red warriors here suffering from hypothermia
And only the love and longing to see our motherland
Free is what's keeping us warm.
The blood gushing from our veins
Is boiling with anger
Evaporating to this freezing air
Condensing to rains of resistance.

Yes, we are far from home.
No, it is not our choice
But because of the poverty, oppression our land is facing
We have become the living export of this society,
But giving up does not exist in our dictionary
Abandoning our birthland is not in our vocabulary
For being a red warrior offshore
Does not mean holding semi-automatic rifles
Or climbing mountains and crossing farm fields
For they have none here.
Our weapons are the stories of the people
From our land
Loading them under the red banners we are holding.
Our mass bases are offices after offices
Migrant communities after migrant communities.
We tell the world the stories of our oppression
We tell the reason why they are listening to us
Right now is because of exploitation;
'I am pram da Pilifins and I have a story to tell.'

In thick South East Asian accent.

Then the pain of recalling the reason why
We needed to leave begins.

As if we are witnessing the crimes while we speak.

Watching the expression of each listener,
Showing videos or pictures of plunder, massacres
Lead us to shock, to pain
Shock that you can never get used to the oppression
You have witnessed,
Pain caused by the mere fact that you are not home,
You want to take the gun and protect your people
For neither the military nor the government protects them.

'Bok ayos ba presentation ko?' (Comrade, was my presentation fine?)
'Ayos, Bok gwapo mo nga e.' (Great Comrade, you looked handsome!)
You sometimes joke around
For the distance and the anger does not
Do well once they have collided.
The pain could be overwhelming.
But you won't give up,
You'll visit another community
Perhaps talk about another person,
Another town from your own country
But the stories are the same
The oppressors are not changing their name.

We are not where you are,
We don't have first-hand experiences of the stories we are telling
But just like you, just like the warriors
In our hills and mountains
Just like the community activists going from one
Place to another,
Arousing the masses,
Expanding mass bases
We are the same.
Until we blow our last breath
Speak our last words
While we can walk, talk
While we are alive, we will not stop
We will not rest,
For our motherland is not free yet
For there are more and more people like us who need to leave.
Puppet governments controlled by the imperialists
Are still running our country.
Until the farmers are tilling their own lands
We will not rest
The snow will fall by the end of the year
The sun will not shine
And the whole place will be gloomy
But we will paint the sky Red
We will plough the land,
Plant the seeds of revolution.

Yes, we are not home,
But no. Not in this life will these red warriors
Succumb to the hypothermia
With you there, our comrades back home.
We will wave the crimson flag on every mountain peak
Sink the ships of the Dragon
Crash the planes of the Eagles,
With you, our beloved comrades back home
We will bring the imperialists to their deaths
And free our motherland.
There is no backing down,
No looking back.
Only to the victory will we move forward.
And the only six feet under we will dig
Is the soil of our homeland. Soil of the Philippines.

IBAYONG DAGAT

(Salin sa Filipino sa “Overseas” ni Ka Sinag Pula; isinalin ng istap ng TILAMSIK)

Naiiba ang hugis ng mga ulap dito kaysa doon
Sa lupang kinalakhan
Ang mga puno ay walang bungang mangga
O saging.
Sa halip, ang natitikman ay mga melokoton
At kahel
Kapag umiihip ang hangin, hindi ito
Ang nakasanayang humahalinang init na humahalik sa balat
Sa halip, ito'y mistulang mga panga ng pating
Na lumalaslas sa laman
May mga pulang mandirigmang nagkakasakit sa labis na lamig
At tanging ang pagmamahal at pananabik na masilayan ang inang bayang
Malaya ang nagpapasigla sa amin
Ang dugong bumubulwak mula sa mga ugat
Ay kumukulo sa galit
Sumisingaw sa maginaw na hangin
At nagiging ulan ng paglaban.

Oo, malayo kami sa sariling bayan
Hindi, hindi namin ito ginusto
Ngunit dahil sa kahirapan, pang-aapi sa bayan
Kami ang naging buhay na kalakal na iniluluwas ng lipunang ito,
Ngunit ang pagsuko ay wala sa aming diksyunaryo
Ang pagtalikod sa lupang sinilangan ay wala sa aming bokabularyo
Sapagkat ang pagiging pulang mandirigma sa ibayong dagat
Ay hindi nangangahulugan ng paghawak ng mga ripleng semi-awtomatik
O pagtahak sa mga kabundukan o pagtawid sa mga kabukiran
Dahil walang ganoon dito.
Ang aming armas ay ang mga kwento ng masa
Mula sa aming bayan
Kinakarga sa ilalim ng mga pulang bandilang aming tangan
Ang aming baseng masa ay mga sunod-sunod na opisina
Magkakasunod na komunidad ng mga migrante
Isinasalaysay namin sa mundo ang mga kwento ng pang-aapi
Isinasalaysay namin na ang dahilan kung bakit sila nakikinig sa amin
Sa kasalukuyan ay dahil sa pagsasamantala;
'I am pram da Pilifins and I have a story to tell.'
(‘Ako ay mula sa Pilipinas at mayroon akong ikwekwento.’)


Sa magaspang na punto ng Timog-Silangang Asyano.

At ang hapdi ng paggunita sa dahilan
Ng paglisan ay magsisimula.
Na tila bang nasasaksihan namin ang mga krimen habang nagsasalaysay.

Ang pagmasid sa mga mukha ng mga nakikinig,
Pagpapakita ng mga bidyo o larawan ng pandarambong, mga masaker
Ay nagdudulot ng matinding dagok, kirot
Dagok na hindi ka kailanmang masasanay sa pang-aapi
Na iyong nasaksihan,
Kirot na dulot ng pagkawalay sa inang bayan
Nais mong mag-armas at ipagtanggol ang taumbayan
Dahil hindi sila ipinagtatanggol ng militar o ng gobyerno.

'Bok ayos ba presentation ko?'
'Ayos, Bok gwapo mo nga e.'

Minsan dinadaan na lang sa biro
Dahil ang distansya at ang galit ay hindi
Kanais-nais kapag nagbanggaan.
Maaaring mapuspos ng kirot.
Ngunit hindi ka susuko
Dadalaw sa isa pang komunidad
Magsasalaysay tungkol sa isa pang kababayan,
Isa pang lugar mula sa sariling bayan,
Ngunit pare-pareho lang ang mga kwento
Hindi nagbabago ng pangalan ang mga nang-aapi.

Wala kami diyan, kung nasaan kayo,
Hindi namin nararanasan ang mga ikinukwento
Ngunit katulad ninyo, katulad ng mga mandirigma
Sa mga burol at kabundukan
Katulad ng mga aktibistang pumupunta
Sa iba’t ibang komunidad,
Minumulat ang masa,
Pinapalawak ang baseng masa,
Pareho lang tayo.
Hanggang sa huling hininga,
Huling salita
Hangga't nakakalakad, nakakasalita,
Hangga't may buhay, hindi kami titigil
Hindi kami magpapahinga,
Dahil hindi pa malaya ang inang bayan
Dahil dumarami ang katulad naming kailangang lumisan.
Papet na gobyernong kontrolado ng mga imperyalista
Ang patuloy na namamalakad sa bansa.
Hangga't hindi sinasaka ng mga magsasaka ang sariling lupa
Hindi kami titigil.
Babagsak ang niyebe sa pagtatapos ng taon
Hindi sisinag ang araw
At ang buong lugar ay magiging mapanglaw
Ngunit pipintahan namin ng Pula ang langit
Mag-aararo sa lupa,
Itatanim ang mga binhi ng rebolusyon.

Oo, wala kami sa sariling bayan,
Ngunit hindi. Habambuhay, ang mga pulang mandirigma
Ay hindi susuko sa labis na lamig
Kung kasama kayo, mga kasama sa inang bayan.
Iwawagayway namin ang pulang bandila sa bawat taluktok ng mga kabundukan
Ilulubog ang mga barko ng Dragon
Pababagsakin ang mga eroplano ng mga Agila,
Kasama kayo, mga minamahal naming kasama sa inang bayan
Ihahatid natin sa kamatayan ang mga imperyalista
At palalayain ang inang bayan.
Wala nang atrasan,
Ni pag-aatubili.
Patungong tagumpay lamang ang ating paghakbang.
At ang tanging lupang itatabon sa atin
Ay ang lupa ng inang bayan. Lupa ng Pilipinas.



MABUBUTING TAO SA PALIGID
"HUKBO NG SAMBAYANAN" mula sa ISYU 2 ng TILAMSIK
ni Julian Revuelta
Nobyembre 2014


Hangga’t naririyan
ang kaaway,
naririyan din
ang mabubuting tao
sa paligid.

Kapag sinabing “durugin”,
misyon nila’y palakasin
ang opensiba
upang kaaway ay humina,
hindi paslangin bawat isa.

Kapag sinabing “kaaway”,
ipinag-iiba nila
iyong mersenaryo,
berdugo’t pasista
doon sa naliliwanagan na.

Kapag sinabing “durugin ang kaaway”,
ang target nila’y disarmahan
at alisin ang kakayahang lumaban
ng iilang kumokontra
sa pangmatagalang kapayapaang
may hustisya.

Kaya, hangga’t naririyan
ang kaaway sa paligid,
hinding-hindi mapapatid
ang pakikibaka
ng mabubuting tao!




DI MATALO-TALO
"Bukay Hukbo" mula sa ISYU 2
ni Julian Revuelta
Marso 28, 2014


Nagyayabang ang pasistang kaaway
na dudurugin nila ang ating hukbo,
naglunsad ng pagkubkob at paglipol
subalit lahat 'yon ay nangabigo.

Hindi nila maarok ang ating laban
at ayaw na ayaw nilang matuto.
Tayo'y nasa panig ng kasaysayan
sa kabila ng pamamaslang ng berdugo.

Dahil nakaugat sa masang api
itong ating kilusang rebolusyonaryo,
naglilingkod sa sambayanan kaya
ang hukbong baya'y di matalo-talo!













HANAPIN ANG KALAYAAN
"Agilang Nakalukob" mula sa ISYU 2
ni Ka Sinag Pula

Pinaling ko ang aking ulo sa kaliwa
Ngunit walang nakitang malaya
Hindi kinaya ng aking mga mata
Na makita ang mga kababayang nakakulong sa mga hawla.

Pinaling ko ang aking ulo sa kanan
Ngunit ang nakita'y mga taong nagpapatayan
Binubulag ng tunay na kaaway,
Nililinlang ng tunay na may sala.

Nang ako'y yumuko, nakita ko
Ang dugo, pumapatak sa lupang sinilangan
Tinutuyo ang lupang sakahan.

Sinubukan kong tumingala
Ngunit sa nakita'y ako'y 'di handa
Sa 'ming kalangita'y may mga dayuhan
Mas matayog pa sa 'ming mga kabundukan.

Nilangoy ko ang karagatan
Pero sa sariling tubig ako ay hinarang
Hindi raw namin pag-aari ang nilalanguyan
Ako'y pinagdamutan sa sariling tubigan.

Hinanap ko, hinanap ko
Kalayaang sinasabi nila.
Ipinikit ko ang aking mga mata
Binuksan ang aking tainga
Pinakinggang mabuti ang paligid
Ako ba ay bingi o ako'y nilinlang?

Hinanap ko, hinanap ko
Kalayaang sinasabi nila
Hinukay ko ang lupa
Tinawid ang mga ilog at sapa
Ngunit wala, walang kalayaan.

Pinuntahan ko ang kanayunan
Hinanap ang mga mamamayan
Nakita ko ang kanilang pulong
Silang naghahanap ng tunay na kalayaan.
Hindi pa ngayon, marahil ay 'di pa rin bukas
Ngunit sa piling nila alam kong aming makakamtan
Tunay na kapayapaan, kalayaan mula sa kuko ng agila.

Sila, silang mga masa
Silang mga biktima ng pagsasamantala
Ang tunay na magpapalaya
Sa bayang inalipusta.

Hinanap ko, hinanap ko
Kalayaang 'di ko nakita.
Napadpad ako, napadpad ako
Sa hukbo na tunay na mapagpalaya.



DITO SA KANLURAN
ni Ka Sinag Pula

Dito sa kanluran
Kung saan may tribong napadpad
Dinala ng hangin ng kalupitan, Hangin
Na kung saan sa sarili naming baya'y
Gumigiba sa mga bahay at pangarap ng aming mga kabayayan.

Dito sa kanluran
Kung saan ang panahon ay nahahati sa apat
Kung saan ang ang mga tao ay 'di kami tinuturing na kabilang
May tribong nakikipagsapalaran
Makita lang ang kalayaan ng bayan.
Bawat araw na dadaan, nilalabanan namin ang lungkot
Bawat araw na dadaan, nilalabanan namin ang pait ng katotohanan
Na malayo kami sa aming bayan.
Ngunit ang makalimot ay 'di namin gawi
Nasa kanluran man kami ay lumalaban para mag-wagi
Wala kaming ibang inaasam
Kung hindi ang bayan ay makitang malaya
Mula sa kuko ng Agila
Sa apoy na binubuga ng Dragon.

Dito sa kanluran
Kung saan iba ang lenggwahe na ginagamit ng mga mamamayan
Kung saan paghihirap sa silangan ay 'di nila maintindihan
May isang tribong napadpad, Na patuloy na lumalaban
Tinatanim ang binhi ng rebolusyon
Inaawit ang kanta ng nayon
Pinaparinig, ipinapakita
Sa mga taong dito ay nakatira.
Sa malamig na kanluran, kung saan may panahong
Ang araw ay di sumisikat
May isang tribong napadpad na patuloy na lumalaban
Armas nila'y kwento at pakikibaka sa sariling lupa.

Dito sa kanluran, may mga pulang mandirigma
Lumalaban para sa kalayaan.



MAG-ASAWA







PAGBUBUO NG PULANG KAPANGYARIHAN
(Salin sa Filipino sa “Building Red Political Power” ni Maya Daniel; isinalin ng istap ng TILAMSIK)

"Amag at Kuliglig" mula sa ISYU 3
Sa ibaba ng taluktok nitong bundok,
Bukang-liwayway nang umupo kami sa bato,
Hinubad ang mabibigat,
Mga armas, bala at bakpak.
Tumingala ako sa balikat ng kabundukan
At maya-maya’y isang manipis na anino ng puno
Ang tumabing sa akin, sumikat na ang araw.
Nagtimpla kami ng kape, pinaliyab ang apoy
Walang pausok, mananatili kami dito
Nang sandali, dito sa lihim na daan
Malapit lang ang kabahayan ng mga magsasaka.
Alas nuwebe, si ‘Tay Ladio at ang kaniyang tim
Ay dadating, sasalubungin namin.
Tahimik at walang-tigatig ang baryo,
Pinanghahawakan ang lihim na tungkuling buuin
Ang Pulang kapangyarihan.



Building Red Political Power
ni Ka Maya Daniel

Beneath this mountain peak,
One twilight, we sit down on the rock,
Relieve our bodies of weight
Weapons, ammo and backpacks
I look up and see the mountain shoulders
Then, a slender shadow of a tree
Is thrown upon me, sunshine comes
We make our coffee, fire is lighted
Without smokes, we‘ll stay here
For a while, kept along this secret tract,
Peasant houses are just a stone’s throw
Away, by nine a.m., ‘Tay Ladio and his team
Is coming over, we are meeting them
The barrio is still and silent,
Keeping the clandestine task of building
The Red political power.


Mula sa 45 Poemsof January 2016_Compiled from the Wall of Maya Daniel





SA KASAMANG MALAMBOT ANG PUSO
ni Ka Mayan


Hindi kahinaan ang pagpatak ng luha
Sa bawat salaysay ng pang-aapi’t pagsasamantala
Kung ang mga patak ay magiging agos ng galit
Sa patuloy na pag-iral ng sistemang
Unti-unting kumikitil ng mga buhay,
Kung ang agos ay magiging alon ng paglaban
Para sa masang sinumpaang pagsisilibihan,
Silang iyong minahal nang higit pa sa sarili.

Hindi kahinaan ang pagdadalamhati
Kung ito ang magtutulak sa muling pagbangon
Nang may mas mahigpit na pagtangan
Sa armas at paninindigan,
Kung ang bawat hikbi
Ay magiging sigaw ng kamulatan –
Na marami pang dapat gawin,
Marami pang hahakbangin,
Kailangang magparami,
Kailangang magpalakas,
Kailangang matuto,
Kailangang magwasto,
Kailangang magpatuloy.

Hindi kahinaan ang kalambutan ng puso
Kung ito ang pinagmumulan ng diwang
Magsilbi sa sambayanan,
Kung ito ang nagpapatatag sa paninindigang
Ipagtanggol ang inaapi,
Kung ito ang maghuhulma sa disiplinang
Panghawakan lagi ang prinsipyo,
Kung ito ang pinaghuhugutan ng tapang
Sa pagdurog sa kaaway.







MAG-AMBAG

Ang lahat ng ating panitikan at sining ay para sa masa ng sambayanan, at unang-una’y para sa mga manggagawa, magsasaka at mandirigma; nilikha ang mga ito para sa mga manggagawa, magsasaka at mandirigma, at para sa kanilang kapakinabangan ... Kailangang tandaan nating lagi na hindi mapupukaw at mapapakilos ang sambayanan kung ang obra ng panitikan at sining ay hindi hango sa kanilang buhay, lalo na sa kanilang mga pangangailangan at mithiin. Iniaakyat natin sa mas mataas na antas ang mga kilos at kaisipan ng rebolusyonaryong masa, nang sa gayon ay lalo silang mapasigla sa kanilang pagwasak sa kaaway at pananagumpay laban dito. Ang mga bayaning lumilitaw sa ating mga obra ay dapat ang mga mamamayan mismo at ang kanilang mga katangi-tanging kinatawan na pinapanday sa palihan ng rebolusyon. Ang dapat maging buod ng organikong kaisahan sa isang obrang pampanitikan o pansining ay ang rebolusyonaryong pakikibaka."



Hinihikayat ang mga mambabasa ng @tilamsik na mag-ambag ng kanilang mga rebolusyonaryong obra upang mailimbag dito.  Bago ilimbag, ang mga obra ay dadaan muna sa panunuri at maaaring i-edit ng pamatnugutan.


Pangalan (Name)


Email address*


Mensahe (Message)*



Magpapadala ng email ang pamatnugutan kung natanggap na ang inyong ambag.

Para sa mga mahahabang akda o sining biswal, maaari ding i-email ang inyong mga ambag sa ambagtilamsik@openmailbox.org.  Maaaring gumamit ng alias (nom de guerre / nom de plume) para sa mga isusumiteng obra.  Hindi ilalantad ng @tilamsik ang e-mail address ng mga mag-aambag.


(Maaaring gumawa ng madalian o 'disposable'  na e-mail sa openmailbox.org, mail.com, gmx.com  atbpa. para sa pagsusumite ng mga obra. Hintayin lang ang kumpirmasyon na natanggap ang inyong ambag.

Sa mga gumagamit ng proxy IP address o VPN, i-email na lang ang inyong mga ambag.)


2 comments:

Anonymous said...

Maganda. Sana may ganito din ang ibang mga command. Padayon mga kasama!

Ka Mayan said...

PAALALA
Ni Ka Mayan

Madami tayo,
At lalo pang dumadami.
Malakas tayo,
At lalo pang lumalakas.
Palawak nang palawak ang ating hanay,
Palalim nang palalim ang ating base.
May mga naaabot na tayo
Na hind I natin nakamit sa nakaraan.
Bumabago na ang ihip ng hangin,
Tila lalong pumupula ang silangan.

Ngunit…
Maging mapagkumbaba.

Hindi pa natin naaabot ang tagumpay.
Malayo pa.
Mas malakas pa rin ang kaaway.
Mas marami pa rin ang inaapi,
Mas marami pang pinagsasamantalahan.
Huwag kalimutan ang nakaraan…
Marami na tayong mga sugat
Mula sa mga pagkadapa.
Maraming bagay na hindi natin hawak,
Bagamat kaya nating harapin.
Tandaan:
Ang kaaway, kapag nagigipit,
Ay lalong nagiging marahas.

Kaya ngayon, mas higit nating kailanagn
Ang panibagong lakas, panibagong dugo.
Huwag kaligtaan
kung sino ang tunay na kalaban.
Kung sa kaaway nga,
Mayroong napapaliwanagan,
Ano pa sa kauring kaibigan?
Pakinggan, alalayan,kumbinsihin, linawan,
Kailangan natin sila.
Makinig :
Ang rebolusyon ay hindi maipagtatagumpay
Ng mga nagmamataas at lutang na sa lupa.