Ka Alen, Manggagawang Pangkultura

ISYU 4 Kwentong Buhay

Ako si ka Alen, labing-siyam na taong gulang, ika-siyam sa sampung magkakapatid. Mula ako sa uring magsasaka. Dahil sa hirap ng buhay, hindi ako nakapagtapos ng elementarya. Ngunit nakatuntong naman ako ng hayskul sa pamamagitan ng ALS (Alternative Learning System).

Bata pa lamang ako nang mamulat sa matinding kahirapan. Bago pa naman ako naugnayan ng mga kasama, itinimo na sa amin ng aming magulang na hindi katamaran at kakulangan sa edukasyon ang ugat ng kahirapan kundi dahil sa uring mapagsamantala.

Mas tumindi pa ang kahirapan namin nung tanging si Mama na lang ang nagtataguyod sa amin. May lupa naman sana; kaya lang hindi naman iyon sapat para suportahan ang pang araw-araw naming pangangailangan dahil obligado kaming magbigay sa may-ari ng lupa. Palibhasa, tenante lang kami ng isang panginoong may lupa.

Kaya naman sa sobrang mahal ng bigas, may mga pagkakataong isang beses na lamang kami kumakain sa isang araw, o kaya sa umaga at gabi lang. O kaya, sa gabi, saging ang inihahain at tanging sa tanghali lamang kami kumakain ng kanin. Ganun pa man, naiintindihan namin ang ganoong nararanasan namin. Salat man kami sa mga pangangailangan, subalit busog naman kami sa pangangaral sa amin ng aming magulang, partikular sa kalagayan ng lipunang Pilipino.

Minsan akong isinama ng aking ina sa isang kilos-protesta sa urban. Doon ko nakita ang maraming tao, at dahil sa dumadagundong na sigaw at panawagan sa lansangan, lalo
akong nalinawan na isa lamang pala kami sa malawak na masang nakakaranas ng matinding kahirapan at pagsasamantala sa lipunan.

Taong 2010, panahon ng eleksyon, nang pasabayin ako ng aking ina sa pangangampanya, kasabay sa gawaing pangkultura. Masigasig kong ginampanan ang mga gawaing nakaatang sa akin.

Hindi nagtagal, naugnayan din ako ng mga kasama. Mas nahubog ako sa mga gawaing urban, subalit may mga pagkakataong pumapasok din ako sa sona para gumampan ng gawaing produksyon at edukasyon. Ngunit minsan, para sa akin, hindi ko kakayanin ang mga ganoong gawain dala ng pagmamaliit ko sa sarili dahil sa elementarya lamang ang aking natapos. Subalit hindi rin ako nagpatalo sa ganitong pagtingin; bagkus pinangibabawan ko ito para hindi maapektuhan ang mga trabaho.


Noong nasabak ako sa gawaing pangkultura, matinding panghina ng loob ang naramdaman ko dahil sa mga petiburges na nakakaharap ko – lagi ko pa rin kasing iniisip ang mababang antas ng edukayon na inabot ko kumpara sa kanila. Pero sa kalaunan, naunawaan ko rin na kahit may pagkakaiba-iba ang antas ng edukasyon na inabot, pare-pareho naman kaming nasa uring pinagsasamantalahan at nagkakaisa sa pagrerebolusyon.

No comments: