Endo

ni Ka Eman
ISYU4 TULA
 *Endo - end of contract / pagtatapos ng kontrata

Juan, kain na.
Juan, dulog na.
Juan, may tuyo at kanin na dito.
Inutang ko kanina kay Aling Pasing.
Sahod n’yo yata ngayon, ‘di ba?
Dumaan pala kanina si Aling Sonia.
Naniningil na ng utang natin.
Dalawang buwan na rin tayong
‘Di nakakabayad.
Baka tayo palayasin na naman.


Juan, dali na.
Juan, may pasok ka pa, ‘di ba?
Gumayak ka na.
Baka masermonan ka na naman.
Ang sungit pa naman n’yang manedyer mo
Palibhasa kakarampot din ang sahod.
Mukhang pera rin ‘yang kumpanya n’yo, eh.
Mga kapitalista nga naman, o.
Hoy, bilis na!
Baka kaltasan ka na naman!
Late ka na, trapik pa naman.

JUAN!
ANO NA!
BANGON NA!

Ha, ano kamo?
ENDO KA NA?
‘Di ba tatlong buwan ka pa lang?
Dalawang beses ka pa nga lang sumasahod!
Nung nakaraang linggo
Nagpasa ka pa lang ng NBI mo, ah!
Wala pa nga ‘yung TIN at SSS number mo
Endo ka na agad?

Ano? Wala palang sahod ‘yung training na ‘yun?
Tatlong linggo rin ‘yun, ah!
Saan pala galing ‘yung ibinili mo sa amin ng Chooks?
Ano, UTANG pa ‘yun?
Pati ‘yung binili mo ng keyk nung bertdey ni Bunsoy?
Pati pa ‘yung pinang-tuition ni Hanna?
Dyusko, paano natin babayaran ‘yun?
Nasa limang libo rin ‘yun, ah!

May separation pay naman yata?
Ano, ISANG DAANG PISO?
Pagkatapos mong maghirap para makatapos ng kolehiyo
Para makapasok sa kumpanyang ‘yan
Pagkatapos ng pagpapagod mo
ng tatlong buwan,
ISANG DAANG PISO LANG?
 
Anong plano mo?
Aba, Juan, bumangon ka!
Ano, aasa na lang tayo
sa ganid mong among kapitalista?
Aasa na lang ba tayo habambuhay
sa pagiging kontraktwal?
Wala tayong mapapala sa kanila!
Tara, gumayak ka! Dalian mo!
Mayo Uno ngayon –
sasama tayo sa martsa!

No comments: