Dekada '80

ni Ka Martin Magtanggol
ISYU4 DAGLI

     Ito ay kuwento ng karanasan ng mga tao sa aming baryo. Kahit tapos na ang batas militar, nandoon pa rin ang pagiging berdugo ng mga sundalo. Ito ay narinig ko sa aking ama at may ilang bahagi na alam at tanda ko na. Nangyari ito sa pagtatapos ng dekada ‘80.

XXX

     Noong bata pa ako, mga apat o pa-limang taong gulang pa lang ‘ata ko noon, apat kaming magpipinsan na nakatira sa bahay ng aming lola. Tila bahay-ampunan ito ng mga apo. May mga dumadaan sa bahay; may mga pumapasok at may tumatago sa dilim. Hindi ko naman ‘yon pinapansin. Wala pa akong alam kaugnay sa mga nakikita ko.

     Isang hapon, noong pista ng bayan, naglalaro kami ng isa kong pinsan sa kanlong ng punong mangga. Si Papa naman ay nagbabasa ng diyaryo. Bigla siyang tumakbo pababa, papunta sa kalsada. May mga nagsusuntukan na apat na tao. Pumulot si Papa ng bato at sinuntok ang isa; nawalan ito ng malay. Ang isa naman ay tumakbo at sumakay ng dyip. Bago tuluyang makaalis, nagbanta ito. “Pare, babalik ako! Reresbak tayo!” Mga sundalo pala ‘yun. Iyong naiwang dalawa pa ay mga kaibigan ni Papa.

     Tinulungan ni Papa na bumangon ang naiwang sundalo. Tumulong na rin ang isa pang tanod. Inalalayan at dinala nila ang sundalo sa kampo; pangatlong baryo ito mula sa amin. Mga kalahating kilometro pa lang yata ang nilalakad nila nang masalubong nila ang isang trak ng mga sundalo na susundo sa kasamahan nilang nabugbog. Pati silang dalawa na umalalay ay isinama para sa imbestigasyon. Doon si Papa nakaramdam ng takot at kaba, dahil sigurado, kapag nagkamalay na ang sundalo, ituturo siya nito bilang kasama sa mga nambugbog.

 XXX

     Ayon sa kuwento ng dalawa niyang barkada, galing sila sa pista ng bayan. Sumakay sila ng dyip, kahit lasing ay sumabit pa. May sumabit ding dalawa pa na lasing din.

     “Taga-saan kayo?” tanong ng isa.

     “Taga-Baryo Marupit po,” sagot naman ng barkada ni
Papa.

     “Mga NPA ang tao d’yan,” sabi nung isa, “inambus kami d’yan. Buti na lang at mabilis ang patakbo ng drayber namin. Siguro mga NPA din kayo? Hindi n’yo kami kilala, mga sundalo kami!”

 XXX

     Pagdating nila sa kampo, sabi ng isang sundalo, “Damihan n’yo na ang pinapakulong tubig, ito na ang mga bagong ulam natin, ang mga bagong dating, kainin natin.”

     Hindi ito pinansin ni Papa. Pinagmasdan niya ang loob ng kampo. Pumasok sa isip niya na hindi ito kayang pasukin ng mga NPA. Malalim ang foxhole na tulugan, pati na rin ang running foxhole. Natigilan siya sa pag-iisip nang may biglang nagsalita.

    “Siguro mga NPA kayo?! Mga kasamahan n’yo ang nanggulpi sa kasamahan namin.”

     “Hindi po sir, mga tanod po kami,” sagot ng kasama ni Papa.

       Subalit sabi ng CO, “Palayasin n’yo na ‘yan. Baka dumilim ang paligid, makasabay pa ‘yan sa ospital.”

     Pagkalabas nila ng kampo, agad silang sumakay sa traysikel at nagpahatid na pauwi.

 XXX

     Bandang alas-siyete ng gabi, habang kumakain kami ni Lola at isa kong pinsan, may biglang bumuhos na putok ng mga baril sa kalsada.

     “Dapa kayo, mga apo!” Dumapa kami sa ilalim ng mesa. “Nag-ambus na naman ‘ata ang mga NPA,” dagdag ni Lola. Hindi kami sumagot dahil hindi naman namin alam ‘yon. Ngunit napaiyak ang lola namin sa narinig niyang malakas na sigaw sa baba, “Lumabas ang mga lalaki!”

     “Si Galog, si Papa mo, baka hulihin sila ng mga sundalo at bugbugin! Pati na rin ang layas na si Anthony, ‘andun naman ‘ata sa betamax, baka idamay din ‘yon!” sunod-sunod na sabi ni Lola habang umiiyak. Nanatili naman kaming tahimik at nakamasid na lamang dahil wala pang gasinong alam sa mundo.

     Ilang minuto ang nakalipas nang may biglang kumatok sa aming pintuan. “Baka ang mga layas n’yo na ‘yang kuya,” sabi ni Lola. Bumangon siya at tumungo sa pintuan, habang nakasunod naman kami sa kanya.

     Pagbukas ni Lola ng pinto, kahit madilim, aninag namin ang mga taong nakasuot ng itim at may mga baril, kasama si Kapitan.

     “Kayo po pala, Kapitan,” sabi ni Lola.

    “Magandang gabi, Tiya Meroy! ‘Andyan po si Galog?” tanong ni Kapitan.

     “Ay wala po dito, kahapon pa nga hindi umuuwi,” mabilis na tugon ni Lola.

     “Ay ganun ba! Kapag kami ang nakakita, bangkay na ‘yon dadalhin dito! Aalis na po kami,” sabi ng isang nakasuot na itim
at may hawak na baril.

     Napaupo bigla si Lola at halatang nanghina pagkaalis nina Kapitan. “Ikuha n’yo ako ng tubig, Joel,” sabi niya sa pinsan ko.

XXX

     Noong panahon ding iyon ay hindi pa uso ang DVD at VCD. BHS pa lamang o betamax. May TV -- blak ‘n wayt naman; wala pa noong colored TV, lalong-lalo na ang cellphone. Iilan pa lamang ang may betamax, kaya may bayad pa. ‘Yan din ang
tagpuan ng mga magkasintahan at nagliligawan pa lang.

     Ang panonood ng betamax ay nagsisimula ng alas-seis hanggang alas-otso o lampas pa kung may ka-dobol. Malakas din ang tunog na parang sinehan sa SM, lalo pa kung nakakabit sa stereo. ‘Yun ang component noon, kaya hindi nila gaanong dinig ang putok ng baril.

     “Ano ‘yon? Putok ng baril ‘yon, ah,” sabi ng isang nanonood.

     “Hindi, baka may nanunuod lang din d’yan sa kabila,” sabi naman ng isa.

     Si Epong ay isa rin sa mga nanonood. Nagpapagaling pa siya sa sakit na TB, kaya mahina pa ang kanyang katawan at pandinig. Naapektuhan din siya ng pag-inom ng gamot, kaya hindi niya narinig ang putok ng baril. Nagpaalam siya na lalabas para umihi.

     “Lumabas ang mga lalaki!” narinig ito ni Ely — ang binabansagang ‘Lonely Boy’ dahil ma-edad na at hindi pa nakakapangasawa. Sumabay din siya kay Epong palabas.

     Pagdating sa labas ay sinalubong si Epong ng tadyak at kulata ng baril ng mga PC*. Nahulog siya sa kanal.

     “Bakit po sir, anong kasalanan ko?” tanong niya habang umiiyak dahil sa natamong sipa, kulata at galos sa siko at tuhod. May bukol din ang ulo niya dahil sa pagkahulog sa kongkretong kanal.

     Si Ely naman ay pinadapa ng PC at habang nagbabaga pa ang dulo ng baril, idinikit ito sa likod nya, sa kanang tagiliran. Ginawa siyang bakang may palatandaan.

 XXX

     Ang bahay nina Papa ay may kalayuan sa bahay ng lola ko, kung saan ako nakatira. Sila lang doon nina Mama at isa kong kapatid, na ilang buwan pa lamang na ipinapanganak. Tumago sila noon sa ilalim ng koprahan. Takot na takot si Papa at nanginginig sa sobrang nerbiyos.

     “Ikaw kasi, sumali-sali ka pa d’yan sa kalokohan ng kaibigan mo! Ayan tuloy, pati anak mong walang kamuwang-muwang, nadadamay,” sabi ni Mama kay Papa. Natigilan siya nang biglang may makitang tao sa labas.

     “Baka mga PC na ‘yan! Huli na ako!” sabi ni Papa. Dahan-dahang sumilip siya sa labas. Nakita niya ang isang kamay na natatanglawan ng liwanag ng buwan. Nahimasmasan siya.

     “Hindi ‘yon PC. Nagtatago rin pala si Tata Erneng,” bulong niya kay Mama.

     “Pa’no mo nakilala, eh kamay lang ang nakita mo?” nagtatakang tanong ni Mama.

     Sinagot iyon ni Papa nang pabulong, “Dahil sa putol na hinliliit na daliri n’ya sa kaliwang kamay.”

     Mabuti na lamang at iyon ang inihawak ni Tata Erneng sa haligi at hindi ‘yong kanang kamay. Kung nagkataon, baka nahimatay na si Papa sa takot.

XXX

     Habang sinusulat ko ito, naisip ko, Wala namang pinagkaiba. Hanggang ngayon, ganyan pa rin ang mga sundalo, naiba lang ang pangalan. Katulad din ng kwentong ito. Kahit isulat sa ibang panahon at baguhin ang titulo, ang mga kaganapan ay hindi nagbabago.

Mga elemento
ng PC na
nagpapatupad
ng Batas Militar
(1972-1981)
sa ilalim ng
diktaduryang
Marcos
(1965-1986).






*PC (Philippine Constabulary) – pwersang kapulisan na binuo noong 1901 bilang kasangkapang kontra-insurhensya ng Estados Unidos. Tumagal ito hanggang 1991. Katumbas ito ng AFP sa kasalukuyan


Balik sa ISYU4
Balik sa PANITIKAN

ISYU1: Disyembre 2014
ISYU2: Hunyo 2015
ISYU3: Disyembre 2015
ISYU4: Setyembre 2016
ISYU5: Hunyo 2017 
ISYU6: Disyembre 2017 

No comments: