Daan Tungong Kapayapaan

ni Ka Rauna
ISYU4 REPORTAHE

Tatlong dekada nang nakikipag-usap ang rebolusyonaryong National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa reaksyunaryong gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP). Ang NDF ay isang alyansa ng mga rebolusyonaryong organisasyong nagsusulong ng bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng digmang bayan. Mula nang maitatag ang NDFP noong Abril 24, 1973, isa sa mga naging tungkulin nito ay ang tumayo bilang kinatawan o representante ng rebolusyonaryong kilusan sa pakikipagnegosasyon sa reaksyunaryong gobyerno.

Nagsimula ang usapang pangkapayapaan matapos mapatalsik ang dikatador na si Ferdinand Marcos at mapakawalan ang mga bilanggong pulitikal noong panahon ni Corazon Aquino. Noong Nobyembre 1986, nagkasundo ang magkabilang-panig na magkaroon ng tigil-putukan (bilateral ceasefire) sa loob ng 60 araw, mula Disyembre 10. Ngunit tumanggi ang NDFP na palawigin pa ito dahil sa mga paglabag ng reaksyunaryong militar at pagmasaker sa mga nagprotestang magsasaka sa Mendiola noong Enero 1987. Ginamit lang pala ni Aquino ang usapang pangkapayapaan bilang paghahanda sa “total war” laban sa rebolusyonaryong kilusan. Noong 1988, kinansela rin ni Aquino ang pasaporte ni Joma Sison habang naglelektura ito sa Netherlands, dahilan ng hindi pag-uwi ni Sison sa Pilipinas hanggang sa ngayon.

Sa panahon ni Fidel Ramos, ilang mahahalagang dokumento para sa usapang pangkapayapaan ang na-pinal, katulad ng:

“The Hague Joint Declaration of 1992” o Pinagsanib na Pahayag sa The Hague (isang siyudad sa Netherlands). Tinukoy dito ang adyenda o mga usapin sa negosasyon, katulad ng mga karapatang pantao at internasyunal na makataong batas; mga repormang panlipunan, pang-ekonomya, pulitikal at konstitusyunal; at pagwawakas sa labanan at disposisyon ng mga pwersa. Mahalaga rin dito ang napagkaisahang prinsipyo ng ‘di-pagsuko’, kung saan hindi maaaring maggiit ng pagpapasuko sa magkabilang panig. Sa halip, ang dapat na solusyunan muna ay ang ugat ng armadong tunggalian.

“Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG)” o Pinagsanib na Kasunduan sa mga Garantiya sa Kaligtasan at Imyuniti. Nagbibigay ito ng proteksyon sa lahat ng kalahok sa negosasyong pangkapayapaan mula sa magkabilang panig. Hindi sila maaaring manmanan, arestuhin at kulungin at may garantiya sa ligtas nilang pagbiyahe tungo sa isang nyutral na lugar sa ibang bansa kung saan idaraos ang pag-uusap. Hiwalay sa negosasyon, ipinawalang-bisa ni Ramos ang “Anti-Subversion Act”, isang batas na nagbabawal sa pagsapi sa Partido Komunista ng Pilipinas at mga kahalintulad na organisasyon. Ngunit panlilinlang lamang ito. Sa katunayan, itinulak pa niya na mabilang ang rebelyon sa mga krimeng kapital na dapat daw ay parusahan ng kamatayan.

Noong 1998, nilagdaan ni Joseph “Erap” Estrada ang “Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights ang International Humanitarian Law (CARHRIHL)” o Komprehensibong Kasunduan sa Paggalang sa Karapatang Pantao at Internasyunal na Makataong Batas. Idinedetalye nito ang mga makataong protocol o pamamaraan sa pakikidigma. Subalit ginawang dahilan ng GRP ang pagdakip ng NPA sa ilang pulis at militar -- na pinakawalan din naman -- upang isuspinde ang negosasyon. Noong 1999, inaprubahan ng Senado ang Visiting Forces Agreement (VFA) na nagpapahintulot sa paggamit ng pwersang militar ng US sa mga daungan at airport ng Pilipinas, nang walang limitasyon. Sinundan ito ng pormal na pagtalikod ng GRP sa usapang pangkapayapaan.

Sa panahon ni Gloria Macapagal-Arroyo, binuksang muli ang usapang pangkapayapaan. Subalit ang matinding rekord ng GRP sa extrahudisyal na pamamaslang, pandudukot, pagtortyur at pagpapalikas sa mga sibilyan ay malaking paglabag sa CARHRIHL. Nanghimasok din ang US sa pamamagitan ng pagdeklara sa CPP-NPA bilang “teroristang organisasyon”. Sinundan ito ng pagdeklara ng administrasyong Arroyo ng “all-out-war” laban sa rebolusyonaryong kilusan.
#BigasHindiBala at
#StopLumadKillings, mga
panawagang lumaganap bilang
suporta sa magsasaka at lumad

Sinisi naman ni Silvestre Bello, kasalukuyang tagapangulo sa negosasyon ng GRP, ang pagkabara sa negosasyon sa hindi pagkilala ng administrasyon ni Benigno “Noynoy” Aquino III sa mga dati nang kasunduan. Sa katunayan, nag-walkout ang delegasyon ng GRP sa gitna ng pag-uusap. Patuloy din ang paglabag sa CARHRIHL, tulad ng ginawang pagpapalayas at pagpaslang ng AFP at mga grupong paramilitar nito sa mga lumad o katutubo sa Mindanao, sa akusasyong sila’y mga NPA o sumusuporta sa NPA. Maging ang mga lumad at magsasaka na humihiling lamang ng bigas ay pinagbabaril sa tinaguriang Kidapawan Massacre noong Abril 1, 2016.

Sa bagong administrasyong Duterte, binuksang muli ang usapang kapayapaan noong Agosto 2016 sa Norway. Pitong usapin ang napagkasunduan: muling pagpapatibay sa mga dating kasunduan; muling pagbubuo ng listahan ng mga kalahok sa negosasyon para sa JASIG; pagpapabilis ng negosasyong pangkapayapaan; pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal na maysakit, matatanda, masyadong matagal nang nakabilanggo at kababaihan; proklamasyon ng amnestiya para sa pagpapalaya ng mga nasabing bilanggo; tigil-putukan; at susunod na pagpupulong.

Kumpara sa mga nakaraang pangulo, si Duterte ang nagpapakita ng sinseridad sa usapang pangkapayapaan. Bago pa man magsimula ang usapan, inutos ni Duterte ang pagpapalaya sa mga binilanggong kasapi ng NDF na saklaw ng JASIG at nagdeklara ng tigil-putukan sa panig ng GRP (unilateral ceasefire).
 
Bagamat may magandang umpisa ang negosasyon, kailangan nating patuloy na maging mapagbantay. Bukod sa mga nais magsabotahe sa usapan, -- katulad ng AFP na patuloy ang pag-okupa sa mga barangay, sa pagbabalat-kayong mga “peace development operations” lamang ito -- kailangan din nating labanan ang ilusyon na ito na ang magiging solusyon sa kahirapan. Panghawakan natin ang mga aral ng kasaysayan -- ang posibilidad ng muling pagtraydor ng kabilang panig at ang kawalan ng tunay na pagbabago kung mga reporma lang ang sasandigan.

Masalimuot ang daan tungong tunay at matagalang kapayapaan dahil hindi ito bastang iaabot sa atin ng ano o sino man; hindi rin ito simpleng kawalan ng giyera o putukan, kundi ang pagkakaroon ng katarungang panlipunan o pagtugon sa mga hinaing at pangangailangan ng mamamayan. Maaabot lamang ito sa sama-sama nating pagkilos sa rebolusyon upang palitan ang sistemang mapang-alipin nang makamit ang nararapat na sa atin.



Balik sa ISYU4
Balik sa PANITIKAN

ISYU1: Disyembre 2014
ISYU2: Hunyo 2015
ISYU3: Disyembre 2015
ISYU4: Setyembre 2016
ISYU5: Hunyo 2017 
ISYU6: Disyembre 2017

No comments: